Bakla! Mayla! Sirena! Syoke! Ilan lamang sa mga ito ang pumupunit at nagdudulot ng sakit sa aming damdamin na binibigkas ng mga tao tuwing nadadaanan namin sila. Kahit gusto nang umagos ang aming mga luha, buong tapang pa rin naming hinaharap ang katotohanan at taas noong itutuloy ang pagkembot. Pero ang hindi nila alam ay parang kampanang umuugong sa aming mga tenga ang mga katagang binitawan ng walang prenong mga bunganga nila – na gusto na naming balikan ang mga tarantadong yun at bigyan ng malakas na suntok ang mga panga nila.
Sino ba kami at kanino kami nagmula? Walang makapagsasabi kung saang nayon kami nag-ugat at wala ring nakapagsasabi kung kami nga’y parang sakit na mabilis kumalat. Minsan nga, ilan ang nagsasabing nanganganak daw kami at mabilisan ang pagdami ng bilang namin. Haller! Isip-bata!
Marami sa aking mga kaibigang bakla ang nakakasalamuha ko araw-araw. At karamihan sa kanila ang nagsasabing kagustuhan nilang maging bakla. Wala pa naman akong narinig na pumunta siya sa isang lugar, nakalanghap ng maling hangin at biglang naging bakla. Ano yun? Mahika? Na-engkanto? Kagustuhan namin ‘to. Marami mang dahilan kung bakit kami naging bakla, ang importante, ito ang kagustuhan namin.
Si Mayvel (Macario) ay isa sa mga tinuturing kong bespren. Lumaki siya sa isang pamilyang kapos at salat ng pansin, pag-aaruga at pagmamahal. Limang taong gulang siya nang mapagtanto niyang gusto pala niyang mag-panty. Pitong taong gulang siya noong isang araw na iniwan niya ang mga pinsan niyang lalaki at nakipaglaro siya ng luto-lutuan kasama ang mga pinsan niyang babae. Walong taong gulang siya nang una niyang hinalikan si Richard Gomez sa pambungad na pahina ng Liwayway. At siyam na taong gulang siya noong una niyang natikman ang sampal at tadyak mula sa kanyang ama. Ayon daw sa kanyang ama na lasinggero at sabongero, wala daw sa angkan nila ang bakla. Wala rin daw sa angkan nila ang lalaking bihasang kumendeng. Kwento ni Mayvel, itatali daw siya ng kanyang ama sa puno ng mangga at hindi pinapakain o pinapainum magdamag. Ayon kay Mayvel, naiinggit daw siya sa mga alagang manok ng tatay niya at napapakain ng bonggang-bongga araw-araw samantalang siya, ni pang fishball man lang sana eh di pa maibigay ng kanyang ama. Iniisip na lang ni Mayvel na yun na lang siguro ang konswelo ng kanyang ama simula noong pumanaw ang minamahal niyang ina.
Sabi ko nga kay Mayvel, masuwerte siya at kinupkop siya ng butihing tiyahin niya sa syudad. Mabait si Mayvel. Fighting ang bakla tuwing rumarampa. Wala siyang pakialam kung ano man ang sabihin ng tao sa kanya. Depensa niya, may sarili na daw siyang parlor at kumikita siya ng pera nang hindi nanghihingi, Tama nga naman si ateng.
Isa rin sa mga kaibigan kong bakla si Cindy (Rosendo). Siya naman yung kumbaga “late bloomer” sa aming grupo. Nung bata daw siya, mahilig daw siyang magkipaglaro ng baril-barilan sa mga kapatid niya. Di niya inakala na nung tumuntong siya ng sekondarya, napawi ang hilig niya sa laruing lalaki at nahilig na siya sa mga manika at make-up. Ang pamilya naman ni Cindy ay suportado sa kanyang naging desisyon na maging ganap na binabae. Ang problema nga lang, wala kasing masyadong kagandahan si Cindy. Pero sobrang talino ang loka. Sabi nga namin, noong nagpamahagi ng Diyos ng kagandahan ay natutulog siya noon (naramihan niya sigurong uminom ng sleeping pills). Pero, noong oras na para ka talino, ayun si Cindy, una sa pila at may bitbit pang palanggana. Si Cindy ang lecturer ng grupo. Alam na siguro lahat lahat. Minsan nga gusto ko nang lagarihin ang leeg at ipaeksamin ang ulo sa Amerika at baka napunta sa kanya ang kaluluwa ni Einstein. May kaya rin si Cindy. Wala siyang pinapalampas bilhin na gadget. Sabi nga ng isang kaibigan ko, wala siyang nagiging jowa kung wala siyang pera. Depensa naman ni Cindy, at least daw gwapo mga nabibingwit niya at kaya niyang magbayad ng tama.
At ang pangatlo kung ikwekwento ay si Jenny (Hedilberto). Si Jenny ang unang napapansin sa grupo namin dahil sa angkin niyang kagandahan. Well, masasabi kong maganda talaga si Jenny. Maputi, matangos ang ilong, mahaba ang buhok at balingkinitan ang katawan. Korteng babae talaga ang katawan. Palagi nga siyang pasok sa top 3 tuwing Ms. Gay pageants eh. Pero ikanga ni Cindy, bobaret tong si Jenny. Tuwing binabato siya ng tanong sa Ms. Gay, wala siyang naisasagot kundi “Thank you!” lang. Kahit anong gawin ni Cindy na lektyur sa kanya, palagi pa rin siyang sablay. Depensa naman ni Jenny, “God is peyr!”. Wala man daw siyang talino, maganda naman daw siya. At wag kayo, si Jenny ang may pinakagwapong jowa sa grupo. Sabi ko naman, pinakagwapo nga, huthutero naman. Ang perang pinapanalunan ni Jenny sa beauty contests ay kay Albert napupunta. Sapatos, t-shirt, pabango, cellphone..lahat lahat na ata na hilingin ni Albert ay binibigay ni Jenny. Isang hapon nga, umiiyak si Jenny sabay kwentong nambababae daw tong si Albert. Sinabihan na namin noon si Jenny na hiwalayan na niya si Albert pero ang bakla ay go ng go pa rin. Kahit ilang ulit na siyang naloko at nasaktan, gora pa rin ang bakla.
Ganyan pala kasaya mga kwento ng buhay naming mga bakla noh? Pero, sa realidad at sa labas n gaming sarilling mundo ay ang katotohanan. Katotohanang wala kaming ibang magawa kundi harapin at ibilang sa aming sapalaran. Kami ay isang maliit lamang na parte ng isang mas malaking komunidad na walang ibang gustong ibigay sa amin kundi pangungutya. Hindi naman namin linalahat pero ang ilan ay mapang-api. Tuturingin kaming salot sa lipunan, malas sa negosyo, o di kaya’y mga kampon ni satanas na nagpapalaganap ng lagim. Bakit kaya kung kutyahin nila ang ilan sa amin ay linalahat na ng iba? Walang may gusto makutya at mapagtawanan sa harapan ng maraming tao. Kung ang depensya nila ang kabastos bastos at kawala-walang respeto ang mga ginagawa namin, humarap muna sila sa salamin at sabihin nilang sila ay perpekto at sila ay walang dumi sa mukha. Bakit? Ang mga lalake ba ay linikhang walang kasalanan? Ang mga babae ba ay linikhang walang bahid na dungis? Lahat ba tayo ay perpekto at banal? Hindi naman diba? Pantay pantay lang tayo mga ‘tol at mga sis.
Isang kahilingan lang naman ang nasa isip namin eh.
Sana walang diskriminasyon. Sana walang pangungutya.
Sana lang....